“Matuwid na Pamamahala Tungo sa ARMM na Masagana’t Mapayapa”

Friday, March 2, 2012

Secretary Kulayan's Graduation Message

Title: KAHALAGAHAN NG PABURA (ERASER)

Assalamu alaikum Wa Rahmatullahi Wa Barakatu! Magandang hapon po sa inyong lahat!

Gusto ko pong umpisahan ang aking maikling talumpati sa pagbibigay pugay unang-una sa mga batang nagtapos sa araw na ito. Itong mga kabataan sa harap natin ngayon na kailanman hindi humintong mag-aral kahit anomang tindi o anyo ang hirap na kanilang dinanas upang makamit ang kaalaman. Mga batang hindi alintana ang kumakalam na tiyan dahil sa gutom bunsod ng kawalan at kahirapan. Mga kabataan na kung minsan ay nalalagay sa alanganin dahil sa mga pabugso-bugsong kaguluhan sa kanilang kinaroroonan dulot ng pag-aaway ng mga angkan, at kung minsa’y naman mga rebelde at mga kawal ng gobyerno. 

Humahanga ako sa mga batang ito dahil kahit na sa murang edad, ay naiintindihan na nila ang kahulugan ng Pagti-tiis at Sakripisyo. Ako ay humahanga sa inyo dahil kahit ilan ng mga tsinelas ang napudpod o nabutas sa inyong kalalakad ay pinili pa ninyong makisiksik sa lumang silid-aralan habang ang iba ay nagbababad sa malamig na internet shop upang maglaro ng Dota at Counter-Strike.

Dahil diyan binabati ko kayo at sana’y patuloy ninyong pagbutihin ang pag-aaral sa susunod na pasukan bilang mga High School o College students. Ang panalangin ko ay sana makatapos kayong lahat upang maabot ninyo ang inyong mga pangarap at upang magampanaman naman ninyo ang inyong obligasyon sa malaki at dakilang adhikain na kung tawagin natin ay “Nation Building”.

Nais ko ring magbigay pugay sa inyong mga guro sa kanilang pag-pu-pursige upang maiahon tayo mula sa kamang-mangan tungo sa kamulatan, kagalingan at kahusayan. Ako ay tunay na humahanga kina Sir at Ma’am dahil kahit kapos sa chalk allowance, madalas o paminsan-minsan man ma-delay ang sweldo (depende sa kung sinong administrasyon at panahon), at hindi makapag-loan sa GSIS, sila ay patuloy na gumagabay sa inyo hanggang kayo ay makatapos, at sa araw na ito ay nabansagan bilang mga “graduates”. Sa kanilang sakripisyo, pagmamahal at pagka-maparaan, wala tayong ibang bungad kundi ang mga katagang: “salamat po… salamat po…salamat po…”

Sa pang-huli at ang pinaka-mahalaga tayo, lalo na ang mga grumadweyt ngayon ay dapat magpasalamat sa Allah dahil kayo ay biniyayaan Niya ng mga magulang na kumikilala sa kahalagahan ng edukasyon. Sila’ng mga magulang na nagtiyagang naghatid sa inyo sa paaralan sa unang pagkakataon hanggang sa kayo ay nasanay at nagkaroon na ng lakas ng loob na tumuntong ng paaralan na mag-isa. Silang mga magulang na walang iniisip kundi ang inyong mga kapakanan. Silang mga magulang na naghihirap upang meron kayong papel, lapis, bolpen, uniporme at pambaon sa araw-araw. Ako ay umaasa na inyong suklian ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng dagdag na tiyaga sa pag-aaral at walang humpay na pagkamtan ng kahusayan at kagalingan. Umaasa rin ako na pagkatapos ng programang ito, sila ay agad ninyong lapitan at hagkan, at sabihing: “Salamat po ina. Salamat po ama.”

Kami naman sa Dep-Ed region ay walang ibang hangarin kung hindi ang magpatupad ng makabuluhang at permanenteng reporma; at, gumawa ng kabutihan. Lalo na ngayon na medyo kapos tayo sa panahon upang baguhin ang palpak na sistema na nakaugat na sa ARMM sa halos o sobrang dalawang dekada. Ika nga sa ingles, “Too little time, but too many things to do”. Kaya kami naman ngayon ay nagkukumahog at nagkakandarapang kumikilos upang maisagawa ang mga kinakailangang reporma… upang mapaganda ang serbisyong pang-edukasyon sa ARMM. 

Hangad lang naming na kung tuturingin man ninyong kabutihan ang aming mga ginagawa ay suklian ninyo ito ng pagkilos o suporta para sa reporma na walang ibang hangad kundi ang kasiyahan ng Allah!

Kaya kaugnay nito, kami sa Dep-Ed Region, sa pangunguna ni OIC Regional Governor Mujiv S. Hataman ay kasalukuyang gumagawa ng mga napapanahong programa, proyekto, initiatibo at ibang mga paraan upang matugunan ang ating suliraning pang-Edukasyon. 

Una sa agenda ay ang pag-sulong ng kaledad na edukasyon sa lahat ng mga mag-aaral sa ARMM. Sa pamamagitan ng Transpormasyon na binabandera ni RG Hataman, ani niya, sa Dep-Ed ARMM dapat tugonan at tutukan ang mga sumusunod: Isyu ng katiwalian at korapsyon sa Dep-Ed ARMM. Kakulangan ng mga guro, silid aralan at mga kagamitan ng mga mag-aaral. Mababang kakayahan ng ating mga guro na ayon sa USAID report ay napakababa upang banggitin ko pa dito. Ang maagang pagsahod sa ating mga guro. At ang pagresolba sa bilyon at patuloy na tumaas na pagkaka-utang natin ng interes sa GSIS.

Siguro kayo ay nagtatanong kung papano namin sulosyonan o tugonan ang tila bagang imposibleng at napakahirap na mga problemang ito. Kami ay naniniwala na hindi naman namin monopolya ang kasagutan o mga solusyon sa mga ito. Dapat tayong lahat ay magka-isa at magtulungan. At dapat ito ay simulan agad. 

Bilang panimula, gusto kong ibahagi sa inyo ang aking inspirasyon na nagpa-palakas sa akin upang tahakin ang landas ng reporma. Ako ay umaasa na ito ay inyong magiging inspirasyon rin. At ang inspirasyon na ito, sa maniwala’t kayo o hindi ay aking natanggap sa pamamagitan ng isang text mula sa isang titser noong World Teacher’s Day (ika-5 ng Oktubre ng nakaraan na taon). Hanggang ngayon ay naka-save pa rin sa akin inbox at kung gusto ninyo e-fo-forward ko sa inyo. (magpadala lang kayo ng load)…Pero sa ngayon ay babasahin ko muna sa inyo. Makinig po kayo.

“Pasalamat ka ikaw ay Teacher…
Ang lawyer pag nag-kamali, preso kliyente!
Ang doctor pag nag-kamali, patay pasyente!
Ang engineer pag nag-kamali, collapse ang building!
Ang pari pag nag-kamali, sa impiyerno uwi!
Pero ang titser pag namali, ERASE the board lang…”
O bakit walang tumawa?

Mga kaibigan, ERASER o PABURA ang sagot natin sa problema sa Dep-ED ARMM.
E-erase natin ang katiwalian at korapsyon sa Dep-Ed ARMM! 
E-erase natin ang ghost teachers! 
E-erase natin ang ghost schools!
E-erase natin ang ghost pupils!
E-erase natin ang mga sumisingil ng bayad sa hiring ng mga teachers!

Burahin natin ang mga suma-samantala at uma-abuso sa kanilang katungkulan sa lahat ng hanay ng Dep-ED ARMM! 

Burahin natin ang mga gurong pabaya, pala-absent at tamad! 

Burahin natin ang maling paraan ng pangongolekta at paniningil ng anomang uri ng bayad sa mga mag-aaral! 

Burahin natin ang bulok na pamamalakad at hindi makatarungan at di-makataong pag-kaltas ng mga benepisyo ng mga teachers! 

Burahin natin ang problema sa GSIS!

Ang pag-ERASE o pag-BURA sa aking mga nabanggit ay gagawin natin sa pamamagitan ng VALUES TRANSFORMATION and PROSECUTION. Ibig sabihin nito ay ang pag-babago sa pag-uugali at mentalidad sa lahat ng kawani ng Dep-Ed ARMM. Ito ay isang malawak at pangkalahatang kampanya upang bigyang kahalagahan ang marangal at dakilang propesyon ng pagtuturo na pumupuna mula sa “maliliit” na mga kaso tulad ng pagiging Late sa pag-report o pag-tutulog sa silid-aralan hanggang sa mga malalaking kaso katulad ng pagkasangkot sa katiwalian. 

Ang kampanya ito ay may dalawang mukha. Sa isang banda, ito ay naglalayong itaguyod ang mga magagandang asal na likas sa Islam sa lahat ng hanay ng Dep-Ed ARMM upang lalong bigyan halaga ang pag-tuturo at kaakibat nito ang pagkilala sa mga kabutihan at kahusayan ng mga kawani sa patas at makatarungan na paraan, at sa isang banda nama’y ang pagbibigay ng karampatang pag-saway o parusa sa sinomang lumabag o nagkasala. Ang mga detalye at mga proseso ukol dito ay akin ng ipinahayag sa aking Depertment Order No. 15, na inisyu ko noong Pebrero 14, 2012. Nakalakip na rin dito ang paghain ng mga kasong administratibo o kriminal sa mga personalidad na sangkot sa katiwalian. 

Marami pa kaming mga initiatibo at programang reporma na pwede nating ihalintulad sa ERASER o PABURA. 

Ilang lingo na ang nakaraan, ako ay bumuo ng OPLAN LP (Linis Payroll). Hangad nitong suriin, tiyakin at tukoyin ang mga totoong kawani ng Dep-ED ARMM na aktibo sa serbisyo. Marami akong nadiskubre na, kamangha-mangha at hindi kanais-nais, na ika nga ni Pareng Bitoy ay “kagila-gilalas”. Pero hindi ito ang tamang okasyon para iditalye ko ang aking salaysay. Ang masasabi ko lang ay kami ay patuloy na nagmamasid at namamatyag upang tuloyan ng ma-BURA ang “milagrong” ito. Abangan na lang ninyo ang susunod na kabanata.

Gusto rin naming ipamahagi sa inyo na sa pagsusumano ni OIC Regional Governor Hataman,nagpahayag na ang Pamahalaan Nasyonal ng pag-dag-dag pondo sa ARMM sa pamamagitan ng “stimulus fund”. Ito, at ang mga pahayag ng mga dayuhang organisasyon na tulong pang-edukasyon ay naglalayong BURAHIN ang kakulangang materyal at teknikal ng mga guro at mag-aaral. 

At gusto ko ring banggitin sa inyo na alinsunod sa derektiba ni RG Hataman, kami ay kasalukuyang nakiki-pag-usap sa mga iba’t ibang kawani o opisina ng pamahalaang nasyonal upang hanapan ng paraan ang pag-condone o pag-bayad sa GSIS. Ito ay naka-sentro sa pag-BURA sa problema sa GSIS.

Tulad ng aking pagkasabi, ang aking mga nabanggit ay iilan lamang sa mga hakbang na aming ginawa at patuloy na ginagawa. Kami ay nanawagan sa inyong suporta upang tuluyan na nating MABURA ang mga balakid na humahadlang sa ating mga kabataan sa kanilang pagsulong sa matuwid na landas ng kagalingan at kahusayan! 

Palagi nating tandaan na mismo ang ating Propeta Muhammad (SAW) ang nag-habilin hinggil sa kahalagahan ng edukasyon. Sinabi niya sa atin na tayo ay dapat magtiyagang mag-aral mula pa sa duyan hanggang tayo ay papasok na sa lupa. Sa isang okasyon, sinabi rin niyang kung nararapat at kung may paraan, tayo ay lumuwas kahit pa sa malalayong bansa upang mag-aral at makamit ang kaalaman. Noon pa man alam na ni Propeta Muhammad (SAW) na ang kaalaman ay LAKAS. Nito lamang nakaraang apat na siglo na nadiskubre ng isang taga-Inglatera na si Ginoong Francis Bacon na talagang ang kaalaman ay lakas. Sabi niya, “Knowledge is Power”. Na sine-gundahan din ng yumaong Ernie Baron nitong kamakailan lang.

Ako ay naniniwala na knowledge is power. Kung ang mamamayang Moro ay meron KAALAMAN, magkakaroon din sila ng LAKAS para wakasan at sugpuin…BURAHIN ang kahirapan.

Kung tayo ay may KAALAMAN, ay meron din tayong LAKAS para BURAHIN ang gutom at malnurisyon!

Kung tayo ay may KAALAMAN, magkakaroroon tayo ng LAKAS upang BURAHIN ang takot, kaguluhan, kaharasan, at pag-away-away!

LAKAS upang BURAHIN ang marginalisasyon at diskriminasyon!
LAKAS upang BURAHIN ang Katiwalian!
LAKAS upang BURAHIN ang pag-labag sa ating karapatang-pantao!
LAKAS upang BURAHIN ang “Utak Biktima” at kawalan ng Pag-asa!

Kung tayo ay may KAALAMAN, tayo ay magkakaroon ng LAKAS upang IBANGON muli ang ating dignidad bilang mga Muslim sa bansang ito!

Muli, ako ay nanawagan na BURAHIN na natin ang mga nakasanayang masasamang gawi alang-alang sa mga kabataan na nagtapos sa araw na ito at sa mga kabataan na patatapos pa sa mga darating na araw. Huwag nating hayaan na maging paksa tayo ng katatawanan ng mga taong walang tiwala sa ating potensiyal at mga kritikong walang ibang hangad kundi ang ating failure o kapalpakan!

Bilang panghuli, inuulit ko ang aking pagbati sa mga nagtapos. Congratulations! Nawa’y tayo ay bigyan ng Allah ng Lakas at Sabar sa ating pagtahak sa “Matuwid na daan tungo sa masaganang at mapayapang ARMM”.

Mabuhay tayong lahat!

Salamat sa inyong pag-kinig..Wassalam.

No comments:

Post a Comment

News Articles

"Matuwid na pamamahala tungo sa ARMM sa masagana't mapayapa"

English - "Good governance for a progressive and peaceful ARMM."

Sinama - "Hap pamarinta tudju ARMM na sambu maka salamat"

Bahasa Sug - "Dan mabuntul tudju pa ARMM masambu iban mahatul"

Meranaw - "Mathitu a kandatu sa ARMM ko katagompiya go kalilintad"